Panggamot laban sa COVID-19
Huling na-update Disyembre 23, 2022 sa 9:57 AM
Ang mga panggamot laban sa COVID-19 ay libre, available sa maraming lugar, at talagang mabisa. Pinakamabisa ang mga panggamot kapag ginawa 5-7 araw pagkatapos magsimula ang mga sintomas, kaya kumilos kaagad. Magpasuri para sa COVID-19 at magpagamot para sa COVID-19 kung sa palagay mo ay mayroon kang COVID-19.
Paano makakahanap ng panggamot
Ang iyong mga opsyon:
- Makipag-ugnayan sa iyong doktor o provider ng insurance para magpa-appointment. Puwede ring magpa-appointment sa video o telepono.
- Maghanap ng lokasyon ng Magpasuri para Makapagpagamot (Test-to-Treat) na malapit sa iyo. Puwedeng magreseta ang mga site na ito ng mga gamot laban sa COVID-19. Para makakita ng lugar, tumawag sa pambuong-estadong hotline para sa COVID-19 sa 833-422-4255 o gamitin ang Locator ng Magpasuri para Makapagpagamot para sa COVID-19.
- May ilang parmasyang puwedeng magbigay sa iyo ng reseta para sa pagpapagamot. Tumawag sa iyong parmasya para malaman kung iniaalok nila ang serbisyong ito.
- Kung wala kang insurance o kung hindi gagana ang mga opsyon sa itaas:
- Tumawag sa 833-686-5051 para magpa-appointment sa telepono o video sa libreng provider para sa COVID-19 ng California -O-
- Bumisita sa isang lokasyon ng Optum Serve para sa libreng pagsusuri, libreng pagpapatingin sa provider ng telehealth, at mga libreng gamot.
Kumilos kaagad. Pinakamabisa ang mga paggamot laban sa COVID-19 kapag ginawa 5-7 araw pagkatapos magsimula ang mga sintomas. Libre ang mga gamot, anuman ang insurance o status sa pagkamamamayan, pero dapat kang kumuha ng reseta.
Tandaan: Kung hindi ka makakuha ng reseta sa iyong doktor, pero sa palagay mo ay kwalipikado ka para magpagamot, mag-click dito o tumawag sa 833-686-5051 para magpa-appointment sa telepono o video sa libreng provider para sa COVID-19 ng California. Puwede mo ring ipakita sa iyong doktor ang mga rekomendasyon ng CDPH sa pagpapagamot.
Mga detalye ng panggamot laban sa COVID-19
- Ligtas at talagang mabisa ang pagpapagamot sa pag-iwas sa malalang sakit.*
- Makakatulong sa iyo ang pagpapagamot na magnegatibo kaagad sa pagsusuri, at posibleng mapaliit nito ang posibilidad na magkaroon ng mga sintomas ng long COVID.*
- Pinakamabisa ang mga panggamot kapag nasimulan sa lalong madaling panahon. Huwag hintaying lumala ang mga sintomas.
- Libre ang mga panggamot laban sa COVID-19 sa California.. Hindi kailangang may insurance ka o mamamayan ka ng US.
- Ang karamihan ng mga panggamot laban sa COVID-19 ay mga pill na inuuwi sa bahay.
- Dapat ay mayroon kang mga sintomas ng COVID-19 at nagpositibo ka sa pagsusuri para sa COVID-19. Gumamit ng pagsusuri sa bahay o alamin kung paano magpasuri.
- Kailangang magpagamot laban sa COVID-19 ang karamihan ng mga nasa hustong gulang dahil mas malaki ang kanilang posibilidad na magkaroon ng malalang COVID-19. Kasama rito ang mga taong:
- May edad na mahigit 50 taon –O–
- Hindi pa nababakunahan para sa COVID-19 –O–
- May edad na mahigit 12 taon, na may mga kundisyong nagpapalaki sa posibilidad ng pagkakasakit. Kasama rito ang labis na katabaan, hika, diabetes, mataas na presyon ng dugo, kawalan ng pisikal na aktibidad, paninigarilyo, at mga kundisyon sa kalusugan ng pag-iisip gaya ng depresyon. Matuto pa tungkol sa mga medikal na kundisyon na nagpapalaki sa posibilidad na magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19.
* Ayon sa mga siyentipikong ebidensya, napapaliit ng pagpapagamot ang posibilidad na magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19. Puwedeng mapaliit ng Paxlovid pill ang posibilidad na pumanaw o maospital dahil sa COVID-19 nang hanggang 88%. Ayon naman sa mga naunang ebidensya, posibleng mapaliit ng panggamot laban sa COVID-19 ang posibilidad na magkaroon ng mga sintomas ng long COVID, na mga sintomas at medikal na isyu na puwedeng tumagal nang ilang linggo, buwan, o taon pagkatapos magkaroon ng COVID-19.
Kailan magpapagamot
- Dapat gawin ang panggamot laban sa COVID-19 sa loob ng 5-7 araw pagkatapos magsimula ang mga sintomas.
- Kung mayroon kang mga sintomas ng COVID-19, gumamit ng pagsusuri sa bahay alamin kung paano magpasuri.
- Kung mayroon kang mga malalang sintomas ng COVID-19 kasama ang problema sa paghinga, pananakit ng dibdib, pagkalito, o kung nahihirapan kang manatiling gising, pumunta sa emergency room o tumawag kaagad sa 911.
Kung magpopositibo ka sa pagsusuri para sa COVID-19
Magpagamot kaagad. Huwag hintaying lumubha ang mga sintomas.
Dapat ay magpositibo ka sa pagsusuri para sa COVID-19 para magawa mong magpagamot. Hindi kailangang sa laboratoryo ka magpasuri. Puwede ang mga resulta ng pagsusuri sa bahay.
Manatili sa bahay at mag-isolate para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba. Kahit nabakunahan ka na o nagkaroon ka na ng COVID-19, dapat ka pa ring mag-isolate nang hindi bababa sa 5 araw. Alamin ang mga alituntunin sa pag-isolate.
Kung magnenegatibo ka sa pagsusuri pero mayroon ka pa ring mga sintomas
Magsuri ulit pagkalipas ng 24-48 oras. Puwedeng mapalampas ang kaunting virus sa unang bahagi ng pagkakahawa, at puwedeng ilang araw pa bago magpositibo sa pagsusuri.
Higit pang impormasyon tungkol sa panggamot laban sa COVID-19
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga panggamot laban sa COVID-19 at para sa tulong sa paghahanap ng panggamot, tumawag sa pambuong-estadong hotline para sa COVID-19 sa 833-422-4255.
Bukas ang pambuong-estadong call center 7 araw sa isang linggo:
- Lunes-Biyernes, 8:00 AM hanggang 8:00 PM Pacific Time
- Sabado at Linggo, 8:00 AM hanggang 5:00 PM Pacific Time
Matuto pa tungkol sa panggamot laban sa COVID-19:
- CDPH: Top 5 Tips to Prevent Winter Viruses Fact Sheet (Sheet ng Impormasyon ng 5 Pangunahing Tip para Maiwasan ang Mga Virus sa Taglamig)
- CDPH: Mga Tool ng Komunikasyon para sa Mga Paggamot Laban sa COVID-19
- CDPH: Mga Resource ng Panggamot Laban sa COVID-19 para sa Mga Provider ng Pangangalagang Pangkalusugan
- FDA: Alamin ang Iyong Mga Opsyon sa Panggamot para sa COVID-19
